News & Announcements
Featured
DepEd, suportado ang digital reform ni PBBM para palakasin ang education-to-employment pathways
February 06, 2026
20 views
LUNGSOD NG MAKATI, 05 Pebrero 2026 — Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paglulunsad ng TESDA Skills Passport Mobile Application sa Makabagong San Juan Theatre sa Lungsod ng San Juan, na nagsisilbing mahalagang hakbang sa patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na patibayin ang ugnayan ng edukasyon at hanapbuhay sa pamamagitan ng digitalisasyon at mas matibay na koordinasyon ng mga ahensya.
“Patuloy naming sisiguraduhin na may sapat na pondo ang edukasyon. Palalakasin din namin ang pagsusulong ng skills development ng bawat mamamayang Pilipino,” ani Pangulong Marcos.
Binigyang-diin naman ni Education Secretary Sonny Angara na sinusuportahan ng inisyatiba ang mga reporma ng Department of Education sa pag-uugnay ng basic education, skills training, at employment outcomes, katuwang ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at ang Commission on Higher Education (CHED).
Ang mobile application, na dinevelop sa liderato ni TESDA Director General Kiko Benitez, ay nagsisilbing iisang secure at verifiable na digital platform kung saan pinagsasama ang mga kasanayan, competencies, training certifications, scholarship access, at employment opportunities ng mga mag-aaral at manggagawa. Isinusulong nito ang direktiba ng Pangulo na gawing mas episyente, mas tumutugon, at mas learner-centered ang mga serbisyo ng pamahalaan.
“Kung malinaw ang ugnayan ng edukasyon at trabaho, mas nagkakaroon ng saysay ang bawat hakbang ng pagkatuto,” ani Angara. “Dapat malinaw, mapagkakatiwalaan, at madaling dalhin ng mga mag-aaral at manggagawa ang kanilang credentials saan man sila magpunta.”
Pinahihintulutan ng platform ang mga mag-aaral at manggagawa na mag-imbak at magpakita ng beripikadong tala ng kanilang competencies, certifications, at training sa pamamagitan ng Skills Passport feature. Mayroon din itong Trabaho component na nag-uugnay sa mga gumagamit sa mga oportunidad sa trabaho, gayundin ang Scholarship module na nagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga TESDA scholarship programs.
Sa pamamagitan ng pag-digitize ng learner profiles at skills credentials, napaiikli ang agwat sa pagitan ng training at hiring. Mas napapadali rin para sa mga employer at partner institutions ang beripikasyon ng mga aplikante at kanilang credentials, habang nabibigyan ang mga mag-aaral ng mas epektibong paraan upang maipakita ang kanilang kasanayan. Pinapalakas din nito ang employability, portability, at transparency ng skills records, at mas tinutugma ang training sa pangangailangan ng labor market.
Para sa DepEd, sinusuportahan ng platform ang mga reporma nito sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga Senior High School (SHS) graduates, lalo na ang mga nasa Technical-Vocational-Livelihood (TVL) track, ng mas malinaw at tuluy-tuloy na landas mula edukasyon patungo sa trabaho.
“Para sa mga SHS graduate, lalo na sa TVL track, mahalaga na dala nila ang kasanayang kinikilala at magagamit saan man sila magpunta,” ani Angara. “Ito ang pundasyon ng isang edukasyong may malinaw na patutunguhan.”
Information
- Published February 06, 2026
- Views 20