News & Announcements
Featured
DepEd pinapabilis ang pagtapos ng mga silid-aralan, mas pinalalawak ang mga paraan ng konstruksyon para sa 2026
February 06, 2026
32 views
LUNGSOD NG MAKATI, 5 Pebrero 2026 — Mas pinaigting ng Department of Education (DepEd) ang mga hakbang para matapos ang mga hindi pa kumpletong classroom projects sa buong bansa, kasabay ng paghahanda nitong palawakin ang mga opsyon sa pagpapatupad simula 2026 upang matugunan ang matagal nang kakulangan sa pasilidad sa basic education.
Sa mga nagdaang taon, ang pagpapagawa ng mga silid-aralan sa mga pampublikong paaralan ay pangunahing isinasagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na may mandato na magpatupad ng mga proyekto sa school buildings.
“Batay sa pinakahuling datos, lagpas 8,000 classroom projects ang sabay-sabay na tinatrabaho para sa 2024 at 2025. Nasa 3,600 classrooms na ang natapos ng DPWH, at ang natitira ay patuloy na tinututukan para agad makumpleto at magamit ng ating mga mag-aaral,” ani Secretary Angara.
Mahigpit na nakikipagtulungan ang DepEd sa DPWH upang ayusin ang mga naiwan at hindi natapos na proyekto, at masigurong matatapos at magagamit ng mga mag-aaral ang mga silid-aralan.
Kinumpirma rin ng DepEd na may kumpleto itong talaan ng mga hindi pa tapos na classroom projects mula sa mga nagdaang taon. Upang matugunan ang mga ito, nagpanukala ang DepEd ng ₱3.192 bilyon sa ilalim ng 2026 national budget para matapos ang 3,614 na silidaralan. Inaprubahan ng Kongreso ang ₱2.282 bilyon—sapat para pondohan ang pagtatapos ng 2,067 silid-aralan.
Sa kabila ng limitadong pondo, sinabi ni Angara na tuloy-tuloy ang pagpapatupad ng mga kongkretong hakbang upang mapabilis ang pagtatapos ng mga proyekto, alinsunod sa direktiba ng Pangulo na bigyang-priyoridad ang school infrastructure at kaligtasan ng mga mag-aaral.
Bilang bahagi nito, sabay na nagsasagawa ang DepEd at DPWH ng nationwide validation sa 384 paaralan na may mga hindi pa tapos o patapos na classroom projects. Layunin ng validation na tiyakin ang aktuwal na kalagayan ng bawat proyekto, ang natitirang gawain, kakulangan sa pondo, at kahandaan ng lugar, upang matukoy kung alin ang dapat unahin para sa agarang pagkumpleto.
Dagdag pa ni Angara, habang inaasikaso ang mga kasalukuyang proyekto ng DPWH, inihahanda na rin ng DepEd ang mas flexible na paraan ng pagpapatupad ng mga silid-aralan simula 2026.
“Sa mga nagdaang taon, sabay-sabay naming inaayos ang mga naiwan at hindi natapos na silid-aralan. Para sa 2026 pataas, mas pinalalawak namin ang mga opsyon—kasama ang mas aktibong partisipasyon ng LGUs at iba pang flexible approaches tulad ng public-private partnerships—para mas mabilis at mas akma sa pangangailangan ng bawat komunidad ang solusyon,” ani Angara.
Bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na tugunan ang kakulangan sa silidaralan, nakipagpulong si Angara sa mga alkalde ng National Capital Region noong Pebrero 4. Sa pulong, inilatag ng DepEd ang mga patakaran para sa school building projects sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act, kabilang ang mga kwalipikasyon ng mga local government unit at iba pang opsyon upang tugunan ang pangangailangan sa silid-aralan, gaya ng pag-upa at pagkukumpuni ng mga umiiral na pasilidad.
Binanggit din ni Angara na patuloy pa ang mga talakayan hinggil sa target na classroom construction ng DPWH para sa 2026.
“Mayroon ding naka-program para sa 2026, bagama’t patuloy pa itong pinag-uusapan. Ayon kay Secretary Vince Dizon, humigit-kumulang 1,500 hanggang 2,000 silid-aralan ang target na maipatayo sa ilalim ng new construction para sa 2026,” ani niya.
Binigyang-diin ni Angara na mahalaga ang malapit na pagtutulungan ng DepEd, DPWH, mga lokal na pamahalaan, at pribadong sektor upang mas mapabilis ang solusyon sa kakulangan sa imprastraktura at masigurong nagagamit ng maayos at ligtas ng mga mag-aaral ang pondo ng bayan sa kanilang mga silid-aralan.
Information
- Published February 06, 2026
- Views 32