Department of Education | National Capital Region

Schools Division Office of Valenzuela City

Pio Valenzuela Street, Brgy. Marulas, Valenzuela City, 1440

Philippine Standard Time: --

News & Announcements

Featured

DepEd, pinaiigting ang mga reporma at pagtupad sa mga programa sa National Planning Conference

February 06, 2026 23 views
DepEd, pinaiigting ang mga reporma at pagtupad sa mga programa sa National Planning Conference
LUNGSOD NG MAKATI, 04 Pebrero 2026 — Inilahad ng Department of Education (DepEd) ang mga plano nito para sa mas matibay at mas epektibong sistema ng edukasyon sa ginanap na National Planning Conference. Ang mga policy directions, strategic priorities, at implementation roadmaps ay ibinatay sa mga rekomendasyon ng Final Report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II). “Para sa taong ito, kinakailangan nating ilatag ang ating mga prayoridad upang masigurong bawat sentimo sa ating 2026 budget ay magagamit nang wasto. We owe it to our teachers and learners to deliver the highest quality education possible,” ani Education Secretary Sonny Angara. Sa mga talakayan, binigyang-diin ng DepEd ang pangangailangang palakasin ang Learning System sa pamamagitan ng mas maayos at magkakaugnay na kurikulum, pagtuturo, pagsusulit, learning materials, pagsasanay ng mga guro, at iba’t ibang paraan ng paghahatid ng edukasyon. Para sa 2026, uunahin ng Kagawaran ang pagrepaso at pagsasama-sama ng mga Special Curricular Programs. Kasabay nito, ipagpapatuloy ang pagpapatupad ng pinalakas na Senior High School (SHS) curriculum, kabilang ang mas maraming elective na maaaring piliin ng mga mag-aaral sa Grade 12. Magkakaroon din sila ng mas malinaw na mga opsyon matapos ang K to 12 sa pamamagitan ng National Entrepreneurship Challenge. Pagdating sa mga learning resources, iniulat ng DepEd na karamihan sa mga textbook ay nabili na at inaasahang maipapamahagi bago magbukas ang susunod na school year sa Hunyo. Makakatulong ito sa ganap na pagpapatupad ng Strengthened SHS program sa lahat ng pampublikong paaralan sa buong bansa. Muling iginiit ng Kagawaran na pangunahing prayoridad din ang pagpapalakas ng school-based staffing. Target ng DepEd na punan ang 32,916 bagong teaching positions; 6,000 Principal I items; 11,268 Administrative Officer II items; 5,000 Project Development Officer I items; at 10,000 School Counselor Associate I items. Bukod dito, mahigit 100,000 guro ang inaasahang makatatanggap ng kanilang matagal nang hinihintay na promosyon sa ilalim ng Expanded Career Progression (ECP) System. Ang human resource reforms ay lilipat patungo sa transformational workforce development, na susuportahan ng mga AI-powered platform para sa pagpaplano ng workforce, pag-assess ng mga aplikante para sa posisyon ng school head, human resource deployment, at pagpapasimple ng mga school forms. Sinusuportahan din ng mga inisyatibong ito ang mas malawak na layunin ng Kagawaran na maisama ang teknolohiya sa basic education. Upang matutukan ang pangangailangan ng mga mag-aaral, paiigtingin ng DepEd ang mga programa para sa learning recovery at continuity. Layunin nitong maiwasan ang learning loss na dulot ng kalamidad, masisikip na silid-aralan, malnutrisyon, pagliban sa klase, at bullying. Binigyang-diin din ng DepEd ang pagtaas ng pondo para sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng mga paaralan, mula ₱48 bilyon noong 2025 tungo sa ₱60 bilyon sa 2026, upang masigurong sapat ang suporta para sa mga school head, kawani, at guro sa pagpapatupad ng kanilang mga programa at proyekto. “Sa tulong ng pondong ipinagkaloob sa atin ng ating mahal na Pangulo, President Bongbong Marcos, at ng Kongreso, patuloy nating isusulong ang mahahalagang reporma sa edukasyon—para sa Bagong Pilipinas,” ani Secretary Angara. Nakatuon ang conference sa masusing talakayan ng Five-Point Reform Agenda at Quality Basic Education Development Plan (QBEDP) na dinaluhan ng mga opisyal mula sa Central Office at mga field office sa buong bansa. Binibigyang-diin ng DepEd na ang mga reporma ay dapat magkakaugnay, batay sa datos, at matatag, upang masigurong maayos ang pagpapatupad ng mga programa.
Information
  • Published February 06, 2026
  • Views 23