Department of Education | National Capital Region

Schools Division Office of Valenzuela City

Pio Valenzuela Street, Brgy. Marulas, Valenzuela City, 1440

Philippine Standard Time: --

News & Announcements

Featured

DepEd, pinalalalim ang ugnayan sa simbahan at civil society para maabot ang underserved learners

February 06, 2026 17 views
DepEd, pinalalalim ang ugnayan sa simbahan at civil society para maabot ang underserved learners
LUNGSOD NG TAGAYTAY, 3 Pebrero 2026 — Sinabi ni Kalihim ng Edukasyon Sonny Angara noong Martes na pinapalakas ng Department of Education (DepEd) ang pakikipag-partner sa Simbahan at mga civil society group upang maabot ang mga batang hindi naaabot ng edukasyon dahil sa kahirapan, kakulangan sa oportunidad, o madaling huminto sa pag-aaral, bilang bahagi ng mas malawak na reporma para ilagay ang mga mag-aaral sa sentro ng edukasyon. Sa kanyang talumpati sa 42nd National Social Action General Assembly of Caritas Philippines sa Tagaytay City, binigyang-diin ni Angara na tulad ng pastoral na gawain, ang reporma sa edukasyon ay nangangailangan ng tuloy-tuloy na presensya sa mga komunidad at malapit na pagtutok sa pang-araw-araw na realidad ng mga mag-aaral at guro, lalo na sa underserved areas. Binigyang-diin ni Angara ang pakikipagtulungan ng DepEd sa Caritas Philippines at sa kanilang 86 diocesan social action centers sa buong bansa bilang paraan upang mas maraming mag-aaral ang makinabang sa mahahalagang programa tulad ng school-based feeding, learning recovery, at Alternative Learning System (ALS), lalo na ang mga out-of-school youth at iba pang marginalized learners. “We take our inspiration from all of you. Your stories and successes drive us towards meaningful reforms,” sabi ni Angara. Binanggit niya na nakakatulong ang mga partnership sa gobyerno para mas tumugon ang mga programa sa totoong sitwasyon sa komunidad—mula sa gutom na nakakaapekto sa pagkatuto, hanggang sa mga mag-aaral na nangangailangan ng mas flexible na paraan upang makabalik sa paaralan. Binigyang halimbawa ni Angara ang pinalawak na School-Based Feeding Program (SBFP), na ngayon ay sumasaklaw na sa lahat ng Kindergarten at Grade 1 learners sa buong bansa, bilang tugon sa ebidensiyang nagpapakita na malaki ang koneksyon ng tamang nutrisyon at mas magandang pagkatuto. Binanggit din niya ang pagpapalawak ng learning recovery sa pamamagitan ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program, na nagbibigay ng structured tutoring at remedial support para sa milyun-milyong mag-aaral. Ayon kay Angara, maaari pang suportahan ng mga community at church-based groups ang mga hakbang na ito sa pamamagitan ng volunteer tutoring, mentoring, at lokal na learning initiatives, lalo na sa mga lugar na limitado ang access sa formal na suporta. Itinampok din ng kalihim ang kahalagahan ng Alternative Learning System (ALS) bilang pangunahing daan para sa mga out-of-school youth, mga nagtatrabahong kabataan, at iba pang marginalized learners na naghahanap ng pangalawang pagkakataon sa basic education. Pinuri niya ang kontribusyon ng mga church-led initiatives, tulad ng community-based learning centers, sa pagtulong sa mga mag-aaral na makabalik sa edukasyon sa pamamagitan ng flexible at trust-based na paraan. Binanggit ni Angara na nananatiling sentro ng reporma ng DepEd ang pagsuporta sa mga guro, kabilang ang mga hakbang upang mabawasan ang administratibong requirements, mapalawak ang welfare support, at mai-promote ang libu-libong guro. Dumalo rin sa pagtitipon ang mga kapwa kasapi ng Gabinete na sina Public Works Secretary Vince Dizon at Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian, kasama ang mga lider ng Simbahan at mga kinatawan ng civil society sa buong bansa, na nakatuon sa pagpapalakas ng mga ugnayan upang mapabuti ang paghahatid ng mga serbisyo sa iba’t ibang sektor ng Lipunan. Samantala, pinasalamatan ni Angara ang Society of Jesus Educational Apostolate (SJEA), pinagsama-samang Jesuit schools at universities sa buong bansa, sa suporta nito sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) at sa reporma sa edukasyon. Binanggit niya na ang suporta ng Jesuit network sa mga findings ng komisyon ay nakatulong upang mas mapabilis ang implementasyon ng mga pangunahing pagbabago sa polisiya sa edukasyon. Ayon kay Angara, dahil sa matagal nang pagtutok ng mga Jesuit schools at iba pang faith-based institutions sa mga komunidad, sila ay nagiging mahalagang partners sa pagpapatupad ng pambansang reporma, lalo na para sa mga mag-aaral na pinakananganganib na huminto o maiwan sa pag-aaral.
Information
  • Published February 06, 2026
  • Views 17