Department of Education | National Capital Region

Schools Division Office of Valenzuela City

Pio Valenzuela Street, Brgy. Marulas, Valenzuela City, 1440

Philippine Standard Time: --

News & Announcements

Featured

DepEd, nananawagan ng sabayang aksyon ng gobyerno sa EDCOM2 findings

February 06, 2026 19 views
DepEd, nananawagan ng sabayang aksyon ng gobyerno sa EDCOM2 findings
AYNILA, 29 Enero 2026 — Nanawagan ang Department of Education (DepEd) ng isang whole-of-government approach o sama-samang pagkilos ng buong gobyerno upang tugunan ang krisis sa pagkatuto ng bansa. Ito ay kasabay ng pormal na pagtanggap ng DepEd sa Final Report ng EDCOM 2 at ang pagsumite ng National Education and Workforce Development Plan (NatPlan) kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa isang seremonya sa Malacañang Palace nitong Huwebes. “The report includes the NatPlan, which offers us a 10-year plan to address the learning crisis, that can be solved if we act in unity and with determination and consistency,” ani Pangulong Marcos. Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, malinaw sa mga rekomendasyon ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) na bagama’t nagsimula na ang DepEd sa mahahalagang reporma, marami sa mga pinakaimportanteng pagbabago ang mangangailangan ng sabayang aksyon ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, ng Kongreso, ng mga lokal na pamahalaan, at ng pribadong sektor. “The learning crisis is not a DepEd problem alone. The roadmap is clear, but delivery will depend on how well the entire government moves together,” ani Angara. “We are ready to work closely with Congress and all our partners to ensure that these reforms are felt in our schools and by our teachers and learners.” Early childhood at nutrisyon ng bata Ayon sa DepEd, pinatutunayan ng ulat ang agarang pangangailangang palakasin ang early childhood care and development, lalo na ang mga programang pang-nutrisyon para sa mga batang edad 0 hanggang 5. Binanggit ng Kagawaran na hindi ito kayang solusyunan ng sektor ng edukasyon lamang. Dahil dito, binigyang-diin ang pangangailangan ng mas malinaw na koordinasyon at pananagutan ng mga ahensyang may kinalaman sa nutrisyon at pangangalaga sa bata, tulad ng National Nutrition Council at ng Department of Health (DOH), Social Welfare and Development (DSWD), at Interior and Local Government (DILG). Sang-ayon ang DepEd na kailangan ng tuloy-tuloy na pondo mula sa pambansa at lokal na pamahalaan upang gawing ganap na child development centers ang mga daycare. Ito ay isang gawaing pangunahing isinasagawa ng mga lokal na pamahalaan na may suporta ng national government. Workforce plan alignment Binanggit din ng DepEd ang patuloy na agwat sa pagitan ng edukasyon at aktuwal na trabaho, kaya’t kailangan ang mas mahigpit na koordinasyon sa Commission on Higher Education (CHED), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at Professional Regulation Commission (PRC). Partikular itong mahalaga sa Senior High School, mga tech-voc track, at sa teacher education at licensure. Ipinunto rin ng DepEd ang suporta nito sa pagtatatag ng isang labor market information system kasama ang Philippine Statistics Authority (PSA), Department of Labor and Employment (DOLE), at TESDA, gayundin ang ganap na pagpapatupad ng enterprise-based training at industry-led upskilling programs. Papel ng Kongreso at DBM sa pagpopondo at reporma Ayon kay Angara, nakasalalay din ang tagumpay ng mga reporma sa pag-update ng Kongreso sa ilang mahahalagang batas sa edukasyon. Kabilang dito ang mga patakaran sa paggamit ng education funds ng mga lokal na pamahalaan, pagpapalawak ng Adopt-a-School Program upang mas maraming pribadong grupo ang makasuporta sa edukasyon, at modernisasyon ng teacher licensing para masiguro ang dekalidad na pagsasanay at pagkuha ng mga guro. Binanggit din ng DepEd ang pangangailangang baguhin ang mga batas kaugnay ng pamamahala ng school divisions at pagtalaga ng mga guro, at ang ganap na pagpapatupad ng mga umiiral na batas na nag-uugnay sa edukasyon, trabaho, at skills training upang mas maging maayos ang paglipat ng mga mag-aaral mula paaralan patungo sa trabaho. Hinihikayat din ng ulat ang Kongreso at Department of Budget and Management (DBM) na suportahan ang pag-aayos at pagpapalakas ng staffing sa DepEd, CHED, at TESDA, dahil mas mabilis lumaki ang saklaw ng K to 12, libreng higher education, at TVET kaysa sa kasalukuyang kakayahan ng kanilang mga empleyado. Binanggit din ng DepEd ang panawagan ng ulat na palakasin ang ugnayan ng mga ahensya, kabilang ang pagpapatibay sa Education and Workforce Development Group bilang plataporma para sa joint planning, aligned budgets, at shared accountability. Binigyang-diin ni Angara na handa ang DepEd na gampanan ang kanyang tungkulin, ngunit para magtagumpay ang pangmatagalang reporma, kailangan ng disiplina at tuloy-tuloy na pagtutulungan ng buong gobyerno, kahit pa sa mga susunod na administrasyon. “We already see alignment under President Marcos’ leadership. The challenge now is execution — staying the course, aligning budgets and incentives, and holding ourselves jointly accountable for learning outcomes,” ani Angara.
Information
  • Published February 06, 2026
  • Views 19